FDA ibinuko ang ‘sexy pills’ products
MANILA, Philippines - Ibinuko ng Food and Drugs Administration (FDA) ang mapanlinlang na advertisement ng sexy o slim pills na ikinakalat sa social media.
Nagbabala ang FDA na hindi dapat basta maniwala ang publiko sa produktong ‘Optrimax Plum Delite’ na makikita sa websites ng ‘Optrimax Plum Delite’ na www.plumdelite.com at OLX.com na natuklasang gumagamit ng patalastas, promosyon at pag-aalok para ibenta ang produkto na may false claims.
Nilinaw ng FDA na ang ‘Optrimax Plum Delite Pickled Plum with Probiotics and Green Tea Mix’ ay rehistrado lamang sa kanilang tanggapan bilang food product sa ilalim ng category II (FR-94883).
Iginiit ng FDA na mali ang pahayag ng produkto na tamang paraan ng pagbabawas ng timbang ng walang diet at ehersisyo ay mali at mapanlinlang dahil ang Optrimax ay hindi naman isang weight loss product.
Maliwanag anya na lumabag ang produkto sa probisyon ng Republic Act No. 3720 as amended by Republic Act No. 9711.
Pinayuhan ng FDA ang publiko na maging mapanuri sa mga patalastas ng mga health products na kanilang bibilhin, partikular na kung mula sa internet at huwag umasa lamang sa impormasyon at advertisement na ibinibigay ng mga online seller o advertiser.
Hiniling din ng FDA sa publiko na isumbong sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng email na [email protected] at mga numero ng teleponong 857-1900 local 1051/857-1939 sa mga establisimyento na matutuklasang nagbebenta ng Optrimax Plum na may weight loss claims.
- Latest