‘Emergency Go Bag’ ihanda kapag may lindol -MMDA
MANILA, Philippines - Nanawagan ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa bawat pamilya na maghanda na ng kanilang “Emergency Go Bag” na maglalaman ng mga importanteng gamit at pagkain sa oras ng kalamidad.
Ang panawagan ng MMDA ay kanilang ginawa matapos ang naganap na 5.7 magnitude na lindol na tumama sa Metro Manila nitong nakaraang Miyerkules.
Ang ‘Emergency Go Bag’ ay dapat naglalaman ng mga “first aid kits”, flash light, maliit na transistor radio, baterya, pito, lubid, pagkain na tumatagal tulad ng crackers, tubig at iba pa. Kailangan umanong tumagal ang laman ng Go Bag ng hanggang limang araw.
Bahagi ang paghahanda ng “Emergency Go Bag” sa ibinibigay na “disaster preparedness training” ng MMDA patikular sa kanilang Rescue and Disaster warehouse na nasa Marikina City na maaaring daluhan ng publiko para malaman ang gagawing paghahanda sa oras ng kalamidad o trahedya.
Nanawagan din ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan na magsagawa ngayon ng sunud-sunod na “earthquake drills” para sa patuloy na edukasyon ng kanilang mga tauhan sa posibilidad na pagtama ng mas malakas na lindol.
Pinangangambahan ang posibilidad na isang mas malakas na lindol ang tumama sa Metro Manila dahil sa malaking “fault line” na bumabagtas sa buong Kamaynilaan at karatig lalawigan.
- Latest