P224-M ang sobrang singil ng telcos sa text messages
MANILA, Philippines - Dapat isoli ng mga Telecommunications Company (TELCOS) ang sobrang singil ng mga ito sa kanilang konsyumer na umaabot sa P224 milyon.
Ayon kay Edgardo Cabarrios, Director ng National Telecommunications Commission (NTC) na ito ay kanilang nadiskubre kaya’t nagpalabas sila ng kautusan sa TELCOS na ibalik ang sobrang nasingil sa mga konsyumer na umaabot sa P8 milyon kada araw o katumbas na P224 M kada buwan.
Kabilang naman sa mga TELCOS ay ang Globe, Smart at Sun Cellular na umaarangkada ang kita dahilan sa hilig ng mga Pinoy sa pagpapadala ng text messages.
Sa pagtaya ng NTC sa 2 bilyong text messages kada araw na ipinadadala ng 10% consumer ay regular text at nasa 20% ang nagko-cross network, i-multiply ng 20 centavos, lalabas na P8-milyon bawat araw ang dapat i-refund mula pa noong Disyembre 1, 2011.
Idinetalye ng opisyal na kasama sa ipinalabas nilang kautusan sa TELCOS ang paraan ng pagbabalik ng sobrang nasingil sa mga konsyumer. Nabatid na magiging madali ang refund para sa aktibong post-paid subscriber kung saan ipinababawas sa buwanang bayarin ang sobrang nasingil.
Sa inactive post-paid subscriber, iminungkahi naman nilang ibigay ang refund sa kostumer sa pamamagitan ng tirahan na nasa dating rekord ng inactive post-paid subscriber.
Sa mga aktibong prepaid subscriber, maaaring mag-refund sa pamamagitan ng pagpapadala ng load subalit problema pa aniya kung papaano ibabalik ang sobrang nasingil sa prepaid user na hindi na aktibo.
Sa kasalukuyan ay hindi pa nakikipag-ugnayan ang Smart, Globe at Sun Cellular sa NTC matapos ipalabas ang kautusan.
- Latest