4 sinalvage sa Rizal
MANILA, Philippines - Magkakahiwalay na natagpuan ang bangkay ng apat katao na hinihinalang biktima ng salvage sa lalawigan ng Rizal kahapon.
Unang natagpuan kahapon ng alas-6:00 ng umaga ang bangkay ng isang babae sa kahabaan ng Don Mariano Santos Avenue, Brgy. San Isidrosa, Angono.
Ang biktima ay inilarawan na nasa pagitan ng edad 35 hanggang 40, nakasuot ng maong pants at t-shirt, nakagapos ng nylon cord sa likuran ang mga
kamay at nakabalot ng packaging tape ang mukha.
Hinihinala rin ng mga otoridad na ginahasa muna bago pinatay ang biktima dahil sa bukas ang zipper nito at nakababa ang pantalon.
Dakong alas-7:00 ng umaga ay kasunod na natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa Pinagminahan Road, Brgy. San Luis, Antipolo City.
Inilarawan ang biktima na ang edad ay nasa 45 pataas, may mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan, nakasuot ng puting sando at underwear lamang at nakagapos din ang mga kamay at paa ng
packaging tape.
Pagkalipas ng tatlong oras, dakong alas-10:00 ng umaga nang matagpuan ang
bangkay ng dalawang construction worker sa Muslim Cemetery sa bayan ng Rodriguez at pawang may mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Ang mga biktima ay kinilala ng kanilang kaanak na sina Arman Laserna, 29, ng Sitio Maislap, San Isidro at Pedrito Seduripa, 23, ng Brgy. Mascap Proper, ng bayan ng Rodriguez.
Malaki ang hinala ng pulisya na ang apat na biktima ay pinatay sa ibang lugar at doon lamang itinapon upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest