Sunog sa QC at Munti
MANILA, Philippines - Nasa 150 pamilya ang nawalan ng kanilang bahay sa dalawang naganap na sunog sa Quezon City at Muntinlupa City kahapon ng madaling-araw.
Sa QC ay nasa 100 pamilya sa Brgy. Nova Proper ang nawalan ng bahay makaraang sumiklab ang sunog kahapon ng ala-1:18 ng madaling-araw.
Sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa ground floor ng bahay ng isa umanong AJ Bularan na matatagpuan sa Jasmin St., Ramirez Subdivision.
Dahil sa gawa lamang sa kahoy ang bahay ay madali itong sumiklab hanggang sa tuluyang makadamay ng iba pang kabahayan at kalapit na townhouses.
Nahirapan ang mga pamatay sunog na pasukin ang lugar dahil sa masikip ang kalsada kaya’t umabot ito sa Task Force Alpha at alas-2:55 nang tuluyang ideklarang fire out ang sunog na aabot sa P5 milyon ang naabong ari-arian.
Sa Muntinlupa City ay aabot sa mahigit sa 50 pamilya ang nawalan ng bahay sa dalawang oras na sunog kahapon ng madaling-araw sa Purok 4 Extension, Barangay Alabang.
Sa imbestigasyon, dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa inookupahang bahay ng isang Hyra Amlani matapos na sumabog ang isang sinding gasera na mabilis kumalat ang apoy sa katabing kabahayan.
- Latest