Mag-utol rumesbak sa street party: 2 utas, 10 sugatan
MANILA, Philippines - Walang habas na namaril ang isang magkapatid sa isang street party sa Caloocan City na ikinasawi ng dalawang katao at pagkasugat ng sampung iba pa kabilang ang dalawang paslit ilang oras bago ang pagsalubong sa Bagong Taon kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din sina Jovito Alnas, 50, ng 2nd St., 4th Avenue ng lungsod at Renato Bautista, nasa hustong gulang, ng Barretto Subdivision, Pandacan, Maynila dahil sa mga tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo at katawan.
Dinala naman sa Caloocan Medical Center ang mga nasugatan na sina Annalie Villaflores, 46; Iris Mendoza, 9; Iverson Lozada, 15 at Kenneth Lozada, 22, habang nasa Jose Reyes Memorial Medical Center naman ginagamot sina Alvin Calindacion, 26; Renz Piolo Esperida, 13; China Velasquez, 15 at Camille Cacatian, 5, samantalang sa Tondo Hospital naman ginagamot sina Allan Durado, 31 at Anadel Villaflores, 20-anyos, pawang residente ng 2nd St., 4th Ave., ng nasabing lungsod.
Nakilala naman ang mga tumakas na suspek na sina Loriel Briones Badilla “alyas Totoy Ampatuan†at kapatid nitong si Jetjet, kapwa residente ng BMBA Compound, 2nd St., ng nasabing lugar.
Sa ulat, dakong alas-11:50 ng gabi sa 2nd St., 4th Avenue, Barangay 118 ay kasalukuyang nagkakasayahan ang mga biktima sa isang street party upang salubungin ang pagsalubong ng Bagong Taon nang dumating ang mga suspek at walang sabi-sabing pinaulanan ang mga ito ng bala.
Lumalabas sa imbestigasyon na paghihiganti umano ang motibo ng pamamaril ng magkapatid dahil sa may kaanak sila na pinatay sa lugar.
Nabatid na ang mga suspek ay sangkot din sa illegal na droga at gun running na kung saan ay nagpalabas ng pabuya ang pulisya sa sinuman na makakapagbigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng magkapatid.
- Latest