Napoles isyu Responsibilidad ni Drilon ipinasa kay Guingona
MANILA, Philippines - Ipinasa ni Senate President Franklin Drilon kay Senator Teofisto Guingona Jr., chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagpapasya sakaling magkaroon ng problema sa pagharap ni Janet Lim-Napoles sa pagdinig ng komite kaugnay sa P10 bilyong pork barrel scam.
Sa isang panayam kay Drilon, sinabi niya na bahala na si Guingona na magpasya kung ano ang susunod nitong hakbang sakaling pigilan ng korte ang pagharap ni Napoles sa Senado.
Nauna ng pinirmahan ni Drilon ang subpoena laban kay Napoles na nakakulong sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa Laguna dahil sa kasong serious illegal detention.
Ayon kay Drilon, isa sa mga maaaring ikonsiderang legal remedy ni Guingona ang pagdulog sa Korte Suprema sakaling hindi payagan ng korte ang pagharap ni Napoles sa hearing ng Blue Ribbon Committee.
Nang tanungin si Drilon kung haharap siya sa pagdinig sakaling humarap na si Napoles, sinabi nito na hindi pa niya alam dahil wala pa namang schedule kung kailan ito sisipot sa Senado.
Matatandaan na natagalan ang pagpapalabas ng subpoena laban kay Napoles dahil dalawang beses pang dumulog si Drilon sa Office of the Ombudsman at hiningi ang opinyon kaugnay sa usapin.
- Latest