Miyembro ng Korean kidnapping gang, tiklo
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga otoridad ang nalalabing miyembro ng Korean kidnapping gang sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Myrna Lim-Verano ng Pasig City-RTC Branch 160.
Ang suspek ay kinilaÂlang si Madel Buhay-Kim ng No. 363 Molino Road, Bacoor, Cavite at misis ng puganteng si Mr. Kim Jong Seok, lider ng grupo, nahaharap sa mga kasong kriminal sa Korea na nasakote ng PNP-AKG noong Oktubre 5, 2012.
Sa press briefing sa Camp Crame, nagbabala si Sr. Supt. Neri Ilagan, Officer in Charge ng PNP–AKG na ang modus operandi ng sindikato ay manghikayat sa mga kapwa Koreano sa pamamagitan ng internet na bumisita sa Pilipinas kung saan kapag napapayag ay magpiprisinta ang mga itong tourist guide.
Kapag nakuha na umano ang tiwala ng kapwa nila Koreano partikular na ang mga turista, investor at mga negosyante nilang kalahi ay saka nila ito kikidnapin at hihingi ng ransom sa pamilya ng mga biktima sa Korea.
Ang grupo ay sangkot sa pagdukot sa mga biktimang si Kwon Young Hoon sa Cebu City, Hong Seok Dong at Yoon Chui Han na hindi pa nakakabalik sa kanilang mga pamilya sa kasalukuyan.
Ang iba pang miyembro ng sindikato na nauna ng bumagsak sa batas ay sina Kim Sung Kon, nasakote noong Mayo 18, 2012, nakapiit na sa Bureau of Immigration Detention Center sa Bicutan, Taguig City, Choi Se Yong, natimbog sa Thailand at Han Soon Jin na idineport sa Korea ng Bureau of Immigration at pinatawan ng 5 taong pagkakakulong sa Busan Jail, Korea.
- Latest