Obrero dinedo ng kapitbahay

MANILA, Philippines - Dedo ang isang construction worker makaraang pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay dahil umano sa matagal na nilang alitan sa Taguig City kamakalawa ng hapon.

Nasawi hawang isinusugod sa Taguig Pateros District Hospital ang biktimang si Rodolfo Gueruela, 58,  residente ng 265 Purok 5,  PNR Site Barangay Western Bicutan dahil sa tinamong malalalim na saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Agad naman nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Jose Concepcion, kapitbahay ng biktima na ngayon ay nakakulong na sa detention cell ng Taguig police.

Sa imbestigasyon nina PO3 Ricky Ramos at PO2 Primitivo Delayun, Jr., ng Taguig City Police, In­vestigation Division, nabatid na ang insidente ay naga­nap dakong alas-3:30 ng hapon, sa tapat ng bahay ng biktima.

Ayon sa report, unang nagkasigawan ang dalawa na nauwi sa pagbunot ng patalim ng suspek at inundayan ang biktima sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Sinasabing may dati ng alitan ang magkapitbahay hinggil umano sa pinag-aagawan nilang boundary ng kanilang tahanan.

Show comments