2 parak, 1 sundalo nagpaputok ng baril noong Bagong Taon
MANILA, Philippines - Sa kabuuang 18 kataong nasakote mula Disyembre 16, 2012 hanggang Enero 1, 2013 sa kasong indiscriminate firing o pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon ay lumilitaw na dalawa ay pulis at isang sundalo.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima na ang dalawang pasaway na pulis ay nanganganib na masibak sa serbisyo at sumasailalim na ang mga ito sa pre-charge evaluation na bahagi ng proseso sa summary dismissal.
Tumanggi muna si Purisima na tukuyin ang pagkakakilanlan ng dalawang pulis na ang isa ay mula sa Region 1 at isa naman ay sa Region 6.
Samantalang ang sundalo ay miyembro naman ng Philippine Army na nakatalaga sa Pangasinan.
Ayon naman kay AFP Deputy for Public Affairs Office Major Emmanuel Garcia, na wala silang report na may sundalong nasangkot sa indiscriminate firing sa pagsalubong sa Bagong Taon subalit, ipinabeberipika na ng liderato ng AFP ang ulat.
- Latest