Detachment grinanada: 2 pulis,1 sibilyan sugatan
MANILA, Philippines - Isang himpilan ng Special Action Force (SAF) ang sumabog na ikinasugat ng tatlong katao kabilang ang dalawang pulis matapos hagisan ng granada ng riding in tandem sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon sa Lamitan City, Basilan kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na ulat ni Chief Inspector Kenneth Balisang, hepe ng Lamitan City Police, bandang alas-11:30 ng gabi ng mangyari ang insidente.
Ayon sa imbestigasyon, sa kasagsagan ng putukan kaugnay ng countdown sa pagsalubong sa 2013 ay biglang sumulpot sa lugar ang motorcycle riding-in-tandem.
Pagtapat ng mga suspek sa detachment ng Special Action Froce sa kahabaan ng Rizal Avenue sa lungsod ay bigla na lamang ang mga itong naghagis ng granada na sinamantala ang kasiyahan ng mga tao na nagpapaputok sa lugar.
Sa nasabing insidente ay nasugatan ang dalawang pulis at isang dumaraang sibilyan na mabilis na isinugod sa pagamutan.
- Latest