Private firms tumulong sa mga biktima ni Pablo
MANILA, Philippines - Inihayag ni Philippine Red Cross Davao Oriental chairman Cesar De Erio na ang suporta ng mga pribadong indibidwal at mga kompanya ang susi para masustenahan ang mga biktima ng bagyong Pablo sa Davao Oriental.
“Ang tulong ng mga pribadong kompanya tulad ng Sagittarius Mines, Inc. (SMI) ay kapuri-puri at kailangan namin para matulungan ang mga biktima ng bagyo sa Davao Oriental,” ani De Erio.
Noong nakaraang linggo, ipinagkaloob ng SMI sa PRC Davao Oriental chapter na nakabase sa Mati ang 1,700 food packs na naglalaman ng bigas, noodles at sardinas.
Nagkaloob din ang SMI ng 6,264 first aid kits na binubuo ng syringes, antiseptic solution, hydrogen peroxide, gauze pads, alcohol, face mask, disposal gloves at 200 vials ng anti-tetanus serum.
Base sa pagtatala, kinumpirma ni De Erio na kailangan ng mga biktima ng bagyong Pablo sa Davao Oriental ang anim na buwang tulong ng PRC bago sila makatayo sa sariling mga paa.
Sinabi ni De Erio na nagkaloob ang SMI ng PhP500,000 halaga ng relief goods sa PRC Davao Oriental chapter at hiniling na direktang ipadala ang ayuda sa munisipalidad ng Baganga na pinakamatinding tinamaan ng bagyo.
Samantala, inihayag naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos na malamang na abutin pa ng taon bago tuluyang makabangon ang mga biktima ng bagyong Pablo partikular na sa lalawigan ng Compostela Valley at Davao Oriental na humagupit sa bansa noong nakalipas na Disyembre 3.
Sinabi ni Ramos na maraming dapat na ayusin sa imprastraktura, agrikultura at mga ari-arian na winasak ng hagupit ng bagyo gayundin ang lugar na gagawing relokasyon ng mga ito matapos na marami ang mawalan ng tahanan gayundin ng mga kabuhayan.
- Latest