Adamson buhay pa sa semis
MANILA, Philippines — Tinuldukan ng Adamson University ang four-game losing streak matapos nilang ilipad ang 62-55 panalo kontra Ateneo de Manila University kagabi sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball na nilaro sa Smart Araneta Coliseum.
Dahil sa panalo ay nananatili ang tsansa ng Soaring Falcons na makapasok sa semifinals tangan ang 5-7 karta at kasalo nila ang Blue Eagles sa No. 6 spot sa team standings.
Sinandalan ng San Marcelino-based squad ang nagliliyab na laro at nagbabalik na si Nigerian center Precious Jonah matapos magtala ng 11 points, 17 rebounds at tatlong blocks.
Dalawang laro na lumiban si Jonah dahil sa injury sa kanang hita, at sa kanyang pagbabalik ay tinulungan agad nito ang Adamson na makasilo ng panalo.
Samantala, nagpasiklab si Peter Osang sa kanyang unang laro matapos tulungan ang University of Santo Tomas sa pagdiskaril sa University of the East, 97-70 .
Ipinasok ng Growling Tigers si Osang sa kanilang lineup sa unang pagkakataon ngayong season, habang hindi naman naglaro ang Season 88 Rookie of the Year at Elite Team member na si Collins Akowe.
Agad na nagbunga ang desisyong paglaruin si Osang dahil nakuha ng UST ang kanilang pinakamalaking panalo sa season, kung saan kinumpleto nila ang sweep laban sa Red Warriors.
Nagwagi ang UST sa UE, 98-87 sa first round.
Tumikada ang 6-foot-7 Nigerian big man na si Osang ng 19 points para akbayan ang UST sa paglista ng 6-6 karta.
- Latest

















