High Speed Hitters diniskaril ng Foxies

MANILA, Philippines — Pumalo si Trisha Tubu ng game-high 30 points para tulungan ang Farm Fresh sa 20-25, 25-17, 23-25, 25-20, 17-15 paglusot sa PLDT sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nag-ambag si Royse Tubino ng 14 points at may 12 at 11 markers sina Mylene Paat-Rezanova at Ces Molina, ayon sa pagkakasunod.
Ang magkasunod na panalo ng Foxies ang nagtaas sa kanilang baraha sa 4-2 para solohin ang third spot at palakasin ang tsansa sa semifinals.
Tumipa si Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy ng 23 excellent sets at naglista si libero Maicah Larroza ng 21 excellent receptions.
Nadiskaril ang hangad na ikaapat na sunod na ratsada ng High Speed Hitters at nalaglag sa 3-3 record katabla ang Akari Chargers at Choco Mucho Flying Titans sa fourth place.
Kumolekta si Fil-Canadian Savi Davison ng triple-double na 23 points, 23 excellent digs at 19 excellent receptions para pamunuan ang PLDT
Tumabla ang Farm Fresh sa fourth set, 25-20, bago naiwanan sa 10-13 sa fifth frame.
Bumandera si Tubu sa paglapit ng Foxies sa 14-13 match point bago itinabla ni Kim Kianna Dy ang High Speed Hitters sa 14-14.
Nagpalitan ng atake sina Tubu at Davison para muling magdikit ang Farm Fresh at PLDT sa 15-15.
Subalit ang magkasunod na atake nina Tubu at Tubino ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Foxies laban sa High Speed Hitters.
- Latest

















