SBU dale bonus sa quarters
MANILA, Philippines — Nakasiguro ng twice-to-beat sa quarterfinals ang defending champion San Beda University matapos nilang sakmalin ang College of Saint Benilde, 82-69, kagabi sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilarga sa Filoil sa San Juan.
Naging susi sa tagumpay ng Red Lions ang mainit na opensa ni Andrei Ugaddan kaya naman nasakmal nila ang pang 10 panalo sa 13 salang sapat upang sumalo sa No. 1 spot sa Group A ng team standings.
Kaparehong karta ng San Beda ang Jose Rizal University kaya bibitbitin nila ang bonus na twice-to-beat sa quarters.
Tumikada ang nahirang na Player of the Game na si Ugaddan ng 18 points at limang rebounds para sa Red Lions na ipinalasap sa Blazers ang pang-limang talo sa 13 salang.
Nakatambay sa No. 3 ang Blazers.
Maagang nagparamdam ng bangis ang Red Lions, nilista nila ang 20-16 bentahe sa pagtatapos ng first half bago humarurot sa second quarter upang hawakan ang 18-point lead, 48-30 sa halftime.
Bagama’t nakitaan ng tikas ang CSB sa third period ay nanatili pa rin ang bentahe sa SBU, 49-62 papasok sa fourth canto.
Sinabayan na lamang ng San Beda ang opensa ng Saint Benilde sa fourth period upang masilo ang panalo.
Samantala, bibitbitin ng Letran ang momentum sa susunod na phase matapos nilang sikwatin ang pahirapang 85-83 panalo kontra University of Perpetual Help System DALTA sa unang laro.
Muling binuhat ni Jimboy Estrada ang Knights para tapusin ang preliminaries na may 9-4 na kartada bilang top seed sa Group B sa team standings.
- Latest

















