Alegarbes nagustuhan ang swimming
NAGOYA, Japan — Sinubukan ni Ariel Joseph “Arjay” Alegarbes, may attention-deficit/hyperactivity disorder, dyslexia at asthma, na maglaro ng athletics, boccia at long jump.
Ngunit mas nagustuhan niya ang swimming.
Sa edad na 12-anyos ay sinimulan niyang lumangoy at matapos ang isang dekada ay hinirang siyang isang Asian Para Games champion.
Ang isang taong may dyslexia ay hirap magbasa, hirap magsulat at hirap mag-spelling.
Ngunit sa swimming pool ay balewala ang mga ito kay Alegarbes.
Noong Martes ay nilangoy ng tubong Victorias City, Negros Occidental ang gold medal sa men’s 100-meter backstroke S14 sa kanyang Asiad Para Games debut.
Ito ang ikalawang gintong medalya ng Team Philippines sa Aichi-Nagoya.
Naglista si Alegarbes ng bilis na isang minuto at 1.56 segundo sa Rainbow Pool ng Nagoya City General Gymnasium para ungusan sina South Korean Sungho Kang (1:01.61) at Natirat Meeprom (1:02.08) ng Thailand.
Si Ernie Gawilan ang unang kumuha ng gold medal sa kanyang panalo sa men’s 400-meter freestyle S7 noong Lunes.
“I never expected this. Honestly, this is a dream come true,” ani Alegarbes. “A few years ago, I promised my coach and my entire family that I would win a gold medal at the Asian Para Games, especially for my country. I did this for them and for all the people here,” dagdag nito.
- Latest

















