Mangubat, JRU pinasabog Baste
MANILA, Philippines — Sinandalan ng Jose Rizal University ang nagliliyab na opensa ni Lawrence Mangubat upang yanigin ang San Sebastian College-Recoletos, 102-78 sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Playtime FilOil EcoOil Centre sa San Juan City kahapon.
Tumikada si Mangubat ng 20 points, walong assists at tatlong steals upang tulungan ang Heavy Bombers na ilista ang 4-1 karta at ibaon ang Stags sa ilalim ng team standings pasan ang 0-7 karta.
Bahagyang mabagal na sinimulan ng Heavy Bombers ang kanilang laro sa unang dalawang quarters, lamang sila ng pito, 51-44 sa halftime.
Lumabas ang tikas ng Kalentong-based team sa third period kaya naman lumobo sa 12 puntos ang kanilang lamang, 75-63, papasok ng fourth canto.
“We started flat. ‘Yong effort at energy na hinahanap namin, ‘di nila naibigay kaya nung halftime, sinabi ko ‘yon sa dugout,” ani coach Nani Epondulan.
Pagdating ng payoff period ay tuluyan ng iniwanan ng JRU ang SSC para ikahon ang panalo at ilista ang 5-1 karta.
Tumikada si Chris Hubilla ng double-double na 14 points at 11 rebounds para sa JRU habang kumana sina Jalen Garcia at Jahmir Eligado ng tig-12 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nagtala si Niel Castor ng 17 markers para sa Baste.
Samantala, tumibay ang kapit ng College of Saint Benilde sa tuktok ng team standings matapos nilang paluhurin ang Arellano University, 94-82 sa huling laro.
Nahirang na Best Player of the Game, bumira si Justine Sanchez ng 17 points, walong rebounds at limang assists upang tulungan ang Blazers na ilista ang 6-1 karta.
- Latest



















