Win No. 2 pakay ng Benilde vs Lyceum

MANILA, Philippines — Puntirya ng College of Saint Benilde ang ikalawang sunod na panalo sa Group A sa pagsagupa sa Lyceum of the Philippines University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament.
Magtutuos ang Blazers at Pirates ngayong alas-5 ng hapon matapos ang upakan ng University of Perpetual Help System DALTA Altas at Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-3 ng hapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.
Nagkuwintas si point guard Jhomel Ancheta ng 19 points, 4 rebounds at 3 assists para banderahan ang St. Benilde na naglaro na wala si reigning MVP Allen Liwag (leg injury).
Bukod kay Ancheta, muli ring aasahan ng NCAA Season 101 semifinalist sina Matthew Jucom, Irele Galas at Raffy Celis.
Sina John Barba, Mclaude Guadaña, Greg Cunanan at Renz Adrian Villegas ang babandera sa Lyceum na kaagad nasibak sa play-in games ng NCAA Season 101.
Sa unang laro, pipilitin ng Perpetual na makabangon mula sa naunang 77-84 pagkatalo sa Colegio de San Juan de Letran sa Group B sa kanilang pagharap sa EAC.
- Latest




















