Solomon out sa PVL Rookie Draft

MANILA, Philippines — Hindi pa muna masisilayan si opposite spiker Alyssa Solomon sa Premier Volleyball League (PVL).
Ito ay matapos mag-withdraw ang dating National University standout sa PVL Rookie Draft na idaraos sa Hunyo 3.
Pomal nang inihayag ng management ni Solomon ang desisyon nitong lumiban sa draft.
Sa halip, maglalaro si Solomon sa national team na sasabak sa iba’t ibang international tournaments.
“Alyssa Solomon joins the National Team, withdraws from 2026 PVL Draft,” ayon sa post ng Hustle and Groove Management na siyang humahawak kay Solomon.
Nakasentro pa naman ang atensiyon ng lahat kay Solomon na siyang paboritong maging top pick overall sa naturang draft.
Sumabak si Solomon sa PVL Draft Combine kung saan nakatutok ang lahat ng teams sa kanya kabilang na ang Galeries Tower na siyang nagmamay-ari ng No. 1 pick sa draft.
Ilan sa mga posibilidad ang muling paglalaro ni Solomon sa overseas league.
Lumabas sa ilang ulat na ilang teams na ang interesadong makuha ang Pinay spiker para maglaro sa kanilang tropa.
Naglaro si Solomon para sa Osaka Marvelous sa Japan SV. League.
Sa 2025-2026 season ng liga, umabot ang Osaka Marvelous sa finals.
Ngunit natalo ang Marvelous sa championship round laban sa Saga Hisamitsu Springs.
Kasama rin si Solomon sa nakalipas na kampanya ng Alas Pilipinas kabilang na ang Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand at sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Nations Cup kung saan nagtapos ang Pinay squad bilang runner-up.
- Latest
















