Valdez sabik nang lumaro sa AVC Cup
MANILA, Philippines — Ibabandera ng Alas Pilipinas si Alyssa Valdez sa 2026 AVC Women’s Cup na papalo mula Hunyo 6 hanggang 14 sa Candon Arena sa Candon, Ilocos Sur.
Sabik na si Valdez na muling katawanin ang bansa kasama ang mga beterano at baguhang pla-yers na nasa pool ng Alas Pilipinas.
“And once you’re called, part of me talaga, laging buo yung puso to serve dahil alam ko po kung gaano naghihirap and gaano kasaya mag-represent ng bansa,” ani Valdez na team captain ng Creamline Cool Smashers.
Nang malaman na mapapasama ito sa Alas Pilipinas para sa AVC tournament, hindi agad nagdalawang-isip si Valdez na tumugon sa panawagan.
Hangad ni Valdez na matuto pa ng husto sa mga coaches ng Alas Pilipinas gayundin sa mga batang players na makakasama nito.
Kasama ni Valdez sa kampanya sina Ara Galang, Tots Carlos, Ces Molina, Jovelyn Gonzaga, Vanessa Sarie, Royse Tubino at Trisha Tubu.
Pasok din sina middle blockers Thea Gagate, Jaz Ellarina, Clarisse Loresco, Third Tuddao at Nina Ytang gayundin sina setters Kyle Negrito, Tin Ubaldo, Cloanne Mondonedo at Natalie Estreller, at sina liberos Kyla Atienza, Alyssa Eroa at Lara Liva.
Gagabayan ang tropa ni veteran mentor Shaq Delos Santos.
Nasa Pool A ang Pilipinas kasama ang Chinese-Taipei, South Korea, Kyrgyzstan, Australia at Uzbekistan habang nasa Pool B naman ang Vietnam, Kazakhstan, Iran, Indonesia, Hong Kong at Lebanon.
Ang dalawang mangungunang koponan sa bawat pool ang aabante sa semis.
- Latest















