‘SiPons’ olats sa Danish pair sa Nuvali Challenge
MANILA, Philippines — Kaagad nakatikim ng kabiguan sina Alas Pilipinas stars Sisi Rondina at Bernadeth Pons matapos matalo kina Sofia Bisgaard at Cirkeline Hog ng Denmark, 19-21, 17-21, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa Volleyball World Beach Pro Tour Nuvali Challenge kahapon dito sa Nuvali Sands Courts.
Pumalo si Rondina ng 13 points at may 12 markers si Pons sa una nilang laro sa Challenge Tour na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) sa ilalim ni chairman Patrick Gregorio.
Nahulog sina Rondina at Pons sa loser’s bracket kung saan nila nilalabanan sina Annique Niederhauser at Menia Bentele ng Switzerland habang isinusulat ito.
Nauna nang natalo ang Alas Pilipinas pair sa dalawang Swiss players, 18-21, 24-22, 15-12, sa round of 24 noong nakaraang taon sa Nuvali tilt na suportado rin ng Philippine Sports Commission, Rebisco, Akari, Ayala Land at PLDT.
Samantala, lusot sina Valentyna Davidova at Anhelina Khmil ng Ukraine kina Niederhauser at Menia, 20-22, 21-13, 15-11, para makalaban sina Bisgaard at Hog.
Panalo naman sina Paris 2024 Olympians Monika Paulikiene at Aine Raupelyte ng Lithuania kina wildcard Marie-Alex Belanger at Amy Ozee ng Canada, 21-18, 20-22, 15-12.
Sa men’s division, winalis nina dating NBA player Chase Budinger at Trevor Crabb sina Canadian Luke de Greeff at Tynan Gannett, 21-9, 21-13.
Binuksan nina top seed players Eylon Elazar at Kevin Cuzmiciov ng Israel ang kanilang title quest sa pamamagitan ng 21-14, 21-15 pagwalis kina Kristoffer Abell at Christian Andersen ng Denmark.
- Latest



















