Adamson nagpalakas sa F4

MANILA, Philippines — Agresibong ipinoste ng Adamson University ang 25-15, 25-18, 28-26, panalo kontra University of the East kahapon sa UAAP Season 88 collegiate women’s volleyball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion sa España, Manila.
Dumapo sa solo fourth place sa team standings ang Lady Falcons tangan ang 6-4 record kaya naman nananatiling malakas ang tsansa nilang maka-usad sa susunod na phase.
Lumabas ang tikas ng Adamson sa set 3 ng mapalaban sila ng todo sa nagpupumilit na manalong UE, naghabol ang una ng walong puntos bago naitabla ito sa 24-all.
Sina Shaina Nitura at Frances Mordi ang namuno sa atake ngAdamson upang itakas ang panalo sa set 3 at matagumpay na naitakas ang sweep sa UE.
Samantala, hinarurot ng defending champion champion National University sa tatlong sets ang Ateneo de Manila, 25-19, 25-16, 25-15, upang masolo muli ang second spot sa ikalawang laro.
Napahirapan ng bahagya ang NU sa first set bago ang madaling panalo sa sets 2 at 3 upang ilista ang 7-3 karta at manatiling malakas ang tsansa sa asam na titulo.
Pinamunuan ni Panique ang opensa para sa NU sa nirehistrong 13 points mula sa 12 spikes at isang block.
Tumikada naman si Geezel May Tsunashima ng nine markers kasama ang walong kills at isang service ace para sa Blue Eagles na nalasap ang pang-siyam na kabiguan sa 10 salang kaya laglag na sila sa final four ngayong season.
- Latest





















