Pacers inupakan ng Cavaliers

CLEVELAND - Kumamada si Donovan Mitchell ng 32 points habang may 20 markers si Darius Garland sa kanyang pagbabalik sa lineup sa 120-109 pagtuhog ng Cavaliers sa Indiana Pacers sa isang NBA Cup game.
Ito ang ikalawang paghaharap ng dalawang koponan matapos sibakin ng Indiana ang top-seeded Cleveland, 3-2, sa nakaraang Eastern Conference semifinals.
Humakot si Evan Mobley ng 22 points at 12 rebounds para sa 2-1 record ng Cavaliers (11-6) sa East Group A.
Bumira si Andrew Nembhard ng career-high 32 points para sa 0-2 marka ng Pacers (2-14) sa group play habang may 26 at 21 markers sina Pascal Siakam at Benedict Mathurin, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa 62-55 halftime lead ay isang 21-9 bomba ang inihulog ng Cleveland sa loob ng apat na minuto ng third quarter patungo sa 103-81 pagtambak sa Indiana sa fourth period.
Sa iba pang laro, dinaig ng Phoenix Suns ang Minnesota Timberwolves, 114-113; sinunog ng Miami Heat ang Chicago Bulls, 143-107; wagi ang nagdedepensang Oklahoma City Thunder sa Utah Jazz, 144-112; tinalo ng Denver Nuggets ang Houston Rockets.
- Latest




















