Pirates ibinagsak ng Generals
MANILA, Philippines — Lalo pang inilaglag ng Emilio Aguinaldo College ang Lyceum of the Philippines University sa ilalim matapos kunin ang 84-75 panalo sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men's basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Bumalikwas ang Generals mula sa naunang kabiguan sa Perpetual Help Altas para itaas ang baraha sa 4-4 katabla ang Jose Rizal Heavy Bombers sa Group B.
Umiskor si Nico Quinal ng 18 points, habang may 17 at 10 markers sina Jaerolan Omandac at Jude Bagay, ayon sa pagkakasunod.
“We need to win also kasi sa bracket namin have four wins and above already so we need to keep winning,” sabi ni coach Jerson Cabiltes.
Bigo naman ang Pirates na masundan ang 79-76 pagtusok sa Heavy Bombers at nahulog sa 1-6 marka sa Group A.
Pinamunuan ni Renz Villegas ang Lyceum sa kanyang 18 points, 7 rebounds at 4 assists at nagdagdag si Ato Barba ng 16 points, 9 rebounds at 5 assists.
Ang mabagsik na 20-2 atake ng EAC sa third period ang tuluyan nang nagpalobo sa kanilang kalamangan patungo sa panalo.
Sa ikalawang laro, pinabagsak ng Altas ang St. Benilde Blazers, 75-73, para sa kanilang 7-1 kartada tampok ang tatlong dikit na arangkada sa Group A.
- Latest

















