Varatti wagi sa 3rd Leg sa Kings Gold Cup
MANILA, Philippines — Nakadalawa ang Varatti matapos nitong manalo sa 2025 “3rd Leg Kings Gold Cup” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, Linggo ng hapon.
Mabilis na lumabas ng aparato ang first leg winner Sherbet Fountain pero hinabol naman agad ito ng second leg ruler Varatti upang magtagisan ng bilis sa unahan sa kalagitnaan ng karera.
Patuloy ang mainit na bakbakan ng Sherbet Fountain at Varatti subalit habang papalapit ng far turn ay inaagaw na ng winning horse ang bandera.
Umabot pa sa apat na kabayo ang lamang ng Varatti pagsapit ng huling kurbada kaya naman sa rektahan ay mag-isa na lang ito sa unahan at naging magaan ang pagtawid nito sa finish line.
Nasa anim na kabayo ang bentahe ng Varatti sa pumangalawang Sherbet Fountain, pangatlo ang Crusading habang pang-apat ang Andiamo A Firenze.
Sinakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, nirehistro ng Varatti ang tiyempong 1:36 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si James Anthony Rabano Jr. ang P2,250,000 premyo.
Nakopo ng Sherbet Fountain ang P843,750 habang tig-P468,750 at P187,500 ang second at third placers na Crusading at Andiamo A Firenze, ayon sa pagkakasunod.
- Latest


















