Garcia minalas sa World Archery
MANILA, Philippines — Minalas ang mga pambato ng Pilipinas pero nagbigay naman ng magandang laban si neophyte Giuliana ‘Nice’ Garcia sa Hyundai World Archery Championships na ginanap sa Gwangju, Korea kahapon.
Muntik nang makasilat ang 15-anyos na si Garcia sa Olympic round ng women’s recurve kontra kay World No.8 Katherina Bauer ng Germany.
Dinaan sa lawak ng kaalaman ng dating European champion na si Bauer para payukuin ang batang Pinay na si Garcia, 6-4, sa opening round.
Nakipagsabayan si Garcia kay Bauer sa first at third round bago tuluyang bumigay sa fifth round, 28-23, pabor sa 30-anyos na veteran.
Maaga ring naligwak si Pia Elizabeth Bidaure na natalo kay dating World Cup gold medalist at World Championship silver winner Casey Kaufhold ng US, 0-6.
Nagsosyo sina Garcia at Bidaure sa 57th place sa 123 kalahok sa nasabing event, samantalang nabigo sina Gabby Bidaure, Jayson Feliciano, Girvin Cullen Nigel Garcia at Renian Keith Nawew na umabante sa Olympic round.
Samantala, nagkampeon sa nasabing event si San An ng Korea, napunta ang silver kay Jingyi Zhu ng China habang bronze si Sihyeon Lim ng host country. -ED
- Latest




















