Alex thankful sa mga supporters

MANILA, Philippines — Ramdam na ramdam ni Alex Eala ang pagmamahal ng kanyang mga supporters na kabi-kabila ang magagandang mensahe sa kanyang mga social media accounts.
Sa kabila ng kabiguang makapasok sa third round ng US Open women’s singles na ginaganap sa Queens, New York, bumuhos ang mainit na mensahe para sa Pinay netter.
Bigo si Eala na makapasok sa susunod na yugto matapos itong yumuko kay Cristina Bucsa ng Spain sa iskor na 4-6, 3-6.
Gayunpaman, kaliwa’t kanan ang mga natatanggap ng Pinay netter na mensahe mula sa mga supporters nito gayundin sa iba’t ibang kilalang personalidad.
Kaya naman hindi maitago ni Eala ang saya na nadarama nito dahil sa patuloy na mainit na pagtanggap sa kanya sa kabila ng pagkatalo nito sa naturang Grand Slam event.
Sinabi ni Eala na marami itong natutunan sa kanyang kampanya sa US Open na magsisilbing magandang pundasyon para sa kanyang mga susunod na laban.
Nagpasalamat ito sa lahat ng sumuporta sa kanya mula sa venue hanggang sa social media.
“US Open 2025, what an experience. I’ve never in my life felt so loved on a tennis court, and for that, I thank you all from the bottom of my heart,” ani Eala.
Gumawa ng kasaysayan si Eala bilang kauna-unahang Pinay netter na nakapagtala ng panalo sa isang main draw ng Grand Slam event.
Nagawa ito ni Eala matapos patumbahin si world No. 14 Clara Tauson ng Denmark sa pamamagitan ng 6-3, 2-6, 7-6 (11) desisyon sa first round bago yumuko kay Bucsa sa second round.
Uuwi si Eala bitbit ang $154,000 konsolasyon o halos P9 milyon.
- Latest





















