Gilas Youth wala pa ring dungis
MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang Gilas Youth upang maiselyo ang 77-68 pananaig kontra sa matinik na Indonesia sa SEABA Qualifiers na ginaganap sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando City, Pampanga.
Wala pa ring bahid ang rekord ng Pinoy cagers na sumulong sa ikaapat na sunod na panalo para manatili sa tuktok ng standings.
Alam ni Gilas Pilipinas Youth coach LA Tenorio na hindi naging madali ang pinagdaanan ng kanyang tropa.
“Mabuti na rin na ngayon ito nangyari samin, hindi sa finals. But, ‘di pa namin iisipin yon. We still have one more game left,” ani Tenorio.
Pakay ng Gilas Youth na mawalis ang lahat ng asignatura nito sa eliminasyon sa pakikipagtipan sa Malaysia sa larong nakatakda ng Huwebes ng gabi.
“We didn’t come here to blow out opponents. We came here to win, so we’re taking this. It’s good that this was a close game. Baka akala nang mga players, laging ganon ang mangyayari,” ani Tenorio.
Nanguna para sa Gilas Youth si Prince Carino na kumana ng 15 puntos habang nagdagdag naman si Travis Pascual ng 13 markers.
Bumandera sa hanay ng Indonesia si Benjamin Hernusi na nagsumite ng 23 puntos.
“They’re a strong team, very well coached, and very talented,” ani Tenorio.
- Latest























