Malabuyo, Finnegan nagparamdam sa US NCAA
MANILA, Philippines — Humirit ng medalya sina Paris Olympics veterans Emma Malabuyo at Aleah Finnegan sa US NCAA women’s individual gymnastics championships.
Napasakamay ni Malabuyo ang pilak na medalya sa balance beam event kung saan nagtala ito ng 9.9750 puntos.
Si Malabuyo ay bahagi ng University of California, Los Angeles (UCLA) gymnastics team.
Sa kabilang banda, nakahirit naman ng tanso si Finnegan sa floor exercise.
Nakakuha ang Louisiana State University (LSU) standout ng 9.9375 puntos para makapasok sa podium.
Sa katunayan, tatlo silang bronze medalist sa floor exercise matapos magtala ng parehong puntos sina Skyla Schulte ng Michigan State at Lily Smith ng Georgia.
Sina Finnegan at Malabuyo ay miyembro ng Team Philippines na sumabak sa 2024 Paris Olympics kasama sina Levi Ruivivar at world champion Carlos Edriel Yulo.
Subalit hindi pinalad na makapag-uwi ng medalya sina Finnegan, Malabuyo at Ruivivar habang sumiguro naman ng dalawang ginto si Yulo sa men’s floor exercise at men’s vault events.
Inaasahang raratsadang muli ang national gymnastics team sa 2025 SEA Games na idaraos sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.
- Latest

















