2nd title hangad ng Greenies
MANILA, Philippines — Ang ikalawang korona ang hangad ng College of St. Benilde-La Salle-Greenhills sa pagsagupa sa University of Perpetual Help System DALTA sa ‘do-or-die’ Game Three ng NCAA Season 100 juniors basketball finals.
Lalabanan ng Greenies ang Junior Altas sa huling pagkakataon ngayong alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Itinabla ng CSB-LSGH sa 1-1 ang kanilang best-of-three championship series ng Perpetual matapos ilusot ang 95-91 panalo sa Game Two.
Una at huling nagkampeon ang tropa ni coach Ren-Ren Ritualo,Jr. noong 2017.
Sa pagbangon ng Greenies mula sa 96-100 kabiguan sa Junior Altas sa Game One ay humakot si star guard Guillian Quines ng career-best 35 points, 11 rebounds, 4 assists at 5 steals.
Nagdagdag si 6-foot-6 center Ram Sharma ng career-high 16 rebounds para sa CSB-LSGH at nilimitahan si Most Valuable Player Lebron Jhames Daep ng Perpetual sa season-low na walong puntos.
“Ginagawa ko lang din ‘yung role ko,” ani Sharma sa depensa niya sa 6’7 na si Daep. “Hindi naman po ako nai-intimidate sa kanya, hindi ko masyadong iniisip ‘yun sa laro.”
- Latest