White nagpasiklab sa Fobisia Games

MANILA, Philippines — Nagningning si Filipino-British Hannah White matapos kumana ng 12 medalya kasama ang tatlong ginto sa swimming sa 2025 Fobisia Games na ginanap sa Pattana Sports Resort sa Chonburi, Thailand.
Umarangkada ng husto ang pambato ng ABC International School (ABCIS) na si White kung saan bumanat ito ng bagong rekord sa girls’ 50m butterfly tangan ang 30.81 segundo.
Nagtala pa ng rekord si White sa 100m Individual Medley nang ilista nito ang 1:12.09 habang bahagi rin ito ng ABCIS team na nagsumite ng bagong marka na 58.80 segundo sa girls’ 4x25m freestyle relay.
Nagkaroon pa ng extra gintong medalya si White dahil binigyan ng parangal ang lahat ng mga nakapagtala ng bagong rekord sa swimming event.
Maliban sa tatlong ginto, may isang pilak pa itong nakuha sa medley relay.
Hindi lamang sa swimming sumabak si White dahil nasilayan din sa aksyon ang multi-talented athletes sa athletics, basketball at football events.
Sa athletics, humataw din ng gintong medalya si White sa girls’ 1,500m run habang may isang pilak ito sa girls’ 800m run at dalawang tanso naman sa girls’ high jump at girls’ 4x100m relay.
Bahagi si White ng girls team na nagkampeon sa basketball event habang nagkasya lamang sa ikalimang puwesto ang kanilang tropa sa football competition.
Si Hannah ay isa lamang sa tatlong White siblings na swimmers.
Naging bahagi ng national junior swimming team ang nakatatanda nitong kapatid na sina Heather at Ruben na kasalukuyang nag-aaral sa Amerika at Great Britain, ayon sa pagkakasunod.
- Latest