Mojdeh hataw ng ginto sa National Trials
MANILA, Philippines — Hindi maawat si Philippine national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh nang sumisid ito ng ikatlong gintong medalya sa Philippine Aquatics, Inc. (PAI) 50-meter long course National Trials kahapon sa Teofilo Ildefonso swimming pool sa Malate, Manila.
Nagningning ang pambato ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) sa girls’ 16-18 100m breaststroke matapos magrehistro ng isang minuto at 15.40 segundo para kubrahin ang kanyang ikatlong gold.
Una nang nakaginto si Mojdeh sa 200m breaststroke nang itarak nito ang matikas na 2:40.27 — at malampasan ang 2:40.42 Qualifying Time sa natu-rang event.
Nakahirit din ng ginto si Mojdeh sa 200m Individual Medley sa oras na 2:26.16.
Nagparamdam din ng lakas sina Gian Santos at Riannah Chantelle Coleman sa kani-kanyang paboritong events.
Naghari ang incoming freshman sa Columbian University sa New York na si Santos sa boys 16-18 class 200m nang ilista nito ang 1:51.39.
Malayo ito sa Southeast Asian Age Group (SEAG) Qualifying Time Standard na 1:55.45.
Nagningning din si Santos sa 400m freestyle tangan ang 4:01.26 at sa 200m breaststroke bitbit ang QTS (2:22.78).
“Just trying my best and possibly inspire the youth here. I hope to represent my country and my long-term goal is to make it to the Olympics,” ani Santos.
May ginto naman si Coleman sa girls 14-15 100-m breaststroke (1:14.12), 200m breaststroke (2:43.55) at 50m breaststroke (33.96).
- Latest