Biado sasargo sa 9-Ball Teams Invitational
MANILA, Philippines — Isasargo ng Team Philippines si dating World 9-Ball champion Carlo Biado sa pagharap nila sa Team Chinese Taipei sa pagtulak ng 2024 CPBA 9-Ball Teams Invitational tournament sa Mayo 27-29 sa New Taipei City, Taiwan.
Kakampi ni Biado sina Johann Chua, James Arañas, Jeffrey Ignacio at Bernie Regalario.
Nagkampeon ang 40-anyos na Pinoy cue artist sa World 9-Ball Championship noong 2017 at sa World 10-Ball Championship ngayong 2024.
Si Chua ay isang two-time All Japan Championship winner at miyembro ng Philippine team na nanalo sa 2022 World Team Championship kasama sina Biado at Rubilen Amit.
Nanguna rin siya sa 2023 World Cup of Pool kasama si Arañas na naghari sa 2019 Super Billiard Expo Championship.
Bumandera si Ignacio sa 2024 Indonesia International 10-Ball Open sa Jakarta noong Enero.
Ibabandera ng Chinese Taipei sina Ko Ping Chung, Chang Jung Lin, Chang Yu Lung at Wu Kun Lin at Ko Pin Yi na nanalo ng tatlong world titles noong 2015 kabilang ang World Ten-ball Championship kung saan tinalo niya si Biado sa finals, 11–9.
Makakakuha ng $15,000 ang mananalong koponan at may consolation sa matatalong koponan na $7,500.
- Latest