Caloy sesentro na sa Paris Games
MANILA, Philippines — Walang balak tumigil si Asian champion Carlos Edriel Yulo dahil mas matinding preparasyon ang pagdaraanan nito upang paghandaan ang Paris Olympics.
Galing si Yulo sa impresibong kampanya sa 2024 Asian Championships Men’s Artistic Gymnastics sa Tashkent, Uzbekistan kung saan humakot ito ng apat na gintong medalya.
Sa kabila ng maningning na kampanya sa Asian meet, walang balak tumigil si Yulo sa ensayo.
Kaya naman mas magiging matindi ang paghahanda nito upang magkaroon ng magandang resulta ang kanyang ikalawang Olympic stint.
“I am looking forward to continuing to work hard, push myself to new li-mits and see how far more we can achieve. I am so blessed and thankful for this moment,” ani Yulo.
Humakot si Yulo ng apat na ginto sa Asian Championships matapos pagharian ang men’s individual all-around, vault, parallel bars at ang kanyang paboritong floor exercise.
Mas matitinding pasabog pa ang inihahanda ni Yulo para sa Paris Olympics dahil mga world-class gymnasts ang makakalaban nito doon.
Nakatakdang magsanay si Yulo ng isang buwan sa Metz, France para magamay nito ang equipment na gagamitin sa Paris Games.
“I can’t wait to see what other surprises the universe has for me,” ani Yulo.
Patuloy ang pasasalamat ni Yulo sa mga taong sumusuporta sa kanyang laban.
“Thank you again to everyone who has believed in me and helped me reach this amazing achievement,” ani Yulo.
- Latest