6 golds inangkin ng Philippine karate team
MANILA, Philippines — Humakot ang national karate team ng anim na gintong medalya sa 11th South East Asian Karate Federation Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand.
Unang humataw si Sebastian Neil Mañalac nang maibigay nito ang unang gintong medalya ng bansa sa men’s –70 kilogram Cadets Kumite event.
Matikas na pinataob ni Manalac si Thanadet Thanatthanakorn ng Thailand sa finals para angkinin ang gintong medalya.
Sinundan ito ni Joan Denise Lumbao na namayagpag sa –59 kg Women’s Junior Kumite matapos patumbahin si Thananya Pisin ng Thailand.
Nakisosyo sa selebrasyon si Asian Games bronze medalist Sakura Alforte na nangibabaw naman sa women’s individual kata event.
Nanalo si Alforte kontra kay Vietnamese fighter Nguyen Ngoc Tram. Nakahirit din si Rebecca Torres ng tansong medalya sa naturang dibisyon.
Wagi rin ng ginto sina Arianne Brito, Alwyn Batican at Kirk Riverz Zamayla sa kani-kanilang kategorya.
Wagi si Brito sa +68 kg U21 Kumite event nang talunin nito si Malaysian Faizal Mirza Binti sa finals.
Hataw din si Batican na umarangkada naman sa men’s individual kumite event kung saan inilampaso nito si Lo Van Bien ng Vietnam.
Tinapos ni Zamayla ang kampanya ng Team Philippines nang pagharian ang men’s U21 – 55 kg event sa panalo kay Truong Nam Tien ng Vietnam.
Nagkasya sa pilak si Southeast Asian Games champion Jamie Lim.
- Latest