Markkanen, Clarkson bumida sa Jazz
SALT LAKE CITY — Nagsalpak si Lauri Markkanen ng 26 points para pamunuan ang Utah Jazz sa 128-109 panalo sa San Antonio Spurs at pigilin ang kanilang five-game losing skid.
Na-ambag si Fil-Am Jordan Clarkson ng 22 points at 10 assists para sa Jazz (27-31) habang may 20 at 16 markers sina John Collins at Collin Sexton, ayon sa pagkakasunod.
Kumana si Devin Vassell ng 27 points sa panig ng Spurs (11-47) na nakahugot kay 7-foot-4 Victor Wembanyama ng 22 points, 10 rebounds at 5 blocks.
Bumalikwas ang San Antonio mula sa isang 24-point halftime deficit para makalapit sa 91-100 mula sa inihulog na 17-7 bomba na pinamunuan nina Vassell at Wembanyama.
Ang back-to-back triples nina Clarkson at Markkanen ang muling naglayo sa Jazz sa 116-95 sa 5:15 minuto ng fourth period na hindi na napababa ng Spurs.
Sa Los Angeles, umiskor si De’Aaron Fox ng 33 points at inilista ni Domantas Sabonis ang kanyang NBA-leading 20th triple-double sa 123-107 pagdaig ng Sacramento Kings (33-23) sa Clippers (37-19).
Sa Philadelphia, bumanat si Giannis Antetokounmpo ng 30 points para sa 119-98 pagsuwag ng Milwaukee Bucks (37-21) sa 76ers (33-24).
- Latest