SMB tinambakan ang Terrafirma
MANILA, Philippines — Itinagay ng San Miguel ang mabilis na 132-110 panalo kontra sa Terrafirma upang palakasin ang hangarin nitong makasikwat ng twice-to-beat bonus sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Limang players ang tumungga ng double-digits sa pangunguna ng 51 puntos, 12 rebounds, 3 assists at 2 blocks ni Bennie Boatwright Jr. para sa Beermen na umangat sa 7-3 kartada upang mapatibay ang kapit sa Top 4.
Nanatili ang mga bataan ni coach Jorge Gallent sa likod ng Magnolia (9-2), Meralco (7-2) at Phoenix (7-2) papasok sa huling bahagi ng elimination rounds na gagawaran ng twice-to-beat incentive sa quarterfinals ang Top 4 na koponan.
Umakbay kay Boatwright Jr., na nauna nang kumamada ng 26 puntos at 16 rebounds sa kanyang PBA debut kontra sa Phoenix bilang kapalit ni Ivan Aska, si Don Trollano na nagposte ng 22 puntos, 7 rebounds, 4 assists at 3 steals.
Nag-ambag ng tig-16 puntos sina CJ Perez at Mo Tautuaa habang may 12 puntos din si Terrence Romeo.
Nagbalik na sa line-up ng SMB si seven-time PBA MVP June Mar Fajardo subalit hindi muna naglaro sa 22-point win.
Paspasan ang naging duwelo ng Beermen kontra sa sibak ng Dyip bago kumalawa sa fourth quarter para sa ikaapat nitong sunod na tagumpay papasok sa huling assignment kontra sa Blackwater (1-9).
Laglag ang Terrafirma sa 2-8 kartada sa kabila ng 26 puntos ni Javi Gomez de Liaño.
May tig-17 puntos din ang import na si Thomas De Thaey at ace guard na si Juami Tiongson para sa Dyip na susubok makaiskor ng graceful exit kontra sa Meralco.
- Latest