4th gold nilangoy ni Mojdeh
MANILA, Philippines — Hindi maawat si World Championships veteran Micaela Jasmine Mojdeh matapos sisirin ang ikaapat na gintong medalya sa 2023 Batang Pinoy swimming competition kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.
Hataw ang 17-anyos na si Mojdeh nang mamayagpag sa girls’ 400m Individual Medley matapos maorasan ng limang minuto at 12.63 segundo.
Malayo sa ikalawang puwesto si Maria Francesca Barreto na may naitalang 5:26.03 para magkasya sa pilak na medalya, habang pumangatlo si Liaa Amoguis na may 5:29.78.
“I am happy to get my personal best on my 50m fly and also in 50m breast splits of the 200m medley relay. I just tried to survive the 400m IM because I’m still a bit tired from my Winter Juniors Meet,” ani Mojdeh.
Nauna nang nakasungkit ng gint ang Brent International School standout na si Mojdeh sa 50m butterfly, 200m Individual Medley at 4x50m medley relay.
“I am thankful to Parañaque team coaches — coach Marlon, coach John, and to BEST coaches — to coach Jek for my recovery, to coach Sherwyn, coach Jeremiah and to Bellevue club coach Abi Liu for the continuous guidance and believe in me,” dagdag ni Mojdeh.
Maningning din si Fil-British Heather White na sumisid ng ikatlong ginto.
Naitarak ni White ang matikas na 26.81 segundo para angkinin ang unang puwesto sa 50m freestyle at pumangalawa si Trixie Ortiguera na may 27.89 segundo at ikatlo si Raina Leyran na nagsumite ng 28.47.
Nakahirit din ang mga Paranaque tankers ng isang pilak at isang tanso.
Pumangalawa si Behrouz Mohammad Mojdeh — nakababatang kapatid ni Micaela Jasmine — sa boys’ 200m backstroke at nakatanso si Hannah White — bunsong kapati ni Heather — sa girls’ 50m butterfly.
Sa Philippine National Games, humirit si Ruben White ng gintong medalya sa men’s 50m freestyle makaraang maglista ng 23.85 segundo.
Tinalo ni Ruben sina silver medalist Manuel Perez (24.49) at bronze medalist Jennuel De Leon (24.52).
- Latest