Centeno reyna ng World 10-Ball Championships
MANILA, Philippines — Muling umangat ang bandila ng Pilipinas sa world stage matapos pagreynahan ni Chezka Centeno ang prestihiyosong WPA World 10-Ball Women’s Championship.
Walang sinayang na sandali si Centeno nang payukuin nito si Han Yu ng China sa pamamagitan ng 9-5 desisyon sa finals upang makuha ang korona sa larong ginanap sa Sportpark Klagenfurt sa Klagenfurt, Austria.
Maagang inilabas ni Centeno ang bagsik nito nang kunin nito ang 4-1 kalamangan.
Mula dito ay hindi na lumingon pa si Centeno para matamis na angkinin ang kampeonato.
Naibulsa ni Centeno ang tumataginting na $50,000 premyo o mahigit P2.8 milyon.
“This is my dream to be a world champion,” wika ni Centeno.
Nakakuha si Centeno ng mainit na suporta mula sa kababayang si two-time 10-ball world champion Rubilen Amit.
Magandang resbak din ito para sa Pilipinas dahil si Han ang tumalo kay Amit sa quarterfinals.
Masaya si Centeno sa kanyang tagumpay na matagal na nitong pinapangarap.
“I can hardly believe it - I am your new Women’s World 10-Ball Champion! This journey started when I was a 5-year-old with a dream, and today, I’m living it. It’s a surreal moment that brings back memories of countless hours of hard work, tears, and disappointments. They are all worth it,” ani Centeno.
Nakapasok sa finals ang four-time Southeast Asian Games gold medalist na si Centeno matapos payukuin si Allison Fisher ng Great Britain sa semis.
“I owe it all to God’s grace, for He has made everything beautiful in its time. I also want to say a heartfelt thank you to everyone who made this journey possible,” dagdag ni Centeno.
Nagpasalamat si Centeno sa lahat ng sumuporta sa kanya kabilang na ang pamilya nito.
“To all of my family, my unwavering supporters from day one, Mommy and Daddy Fausto Centeno, this one’s for you. To my friends, teammates, and supporters, your unending support has been my backbone. And to my amazing partner, you’ve been my rock through thick and thin,” ani Centeno.
- Latest