Ika-8 sunod tinuhog ng Cavs
DALLAS - Nagkuwintas si Evan Mobley ng 34 points at 10 rebounds para banderahan ang Cleveland Cavaliers sa 134-122 pagpapatumba sa Mavericks.
Nagdagdag si Caris LeVert ng 17 markers mula sa bench.
Pinaganda ng NBA-leading Cleveland ang kanilang kartada sa 30-4 tampok ang pagwalis sa kanilang four-game Western Conference road trip para sa eight-game winning streak.
Naglaro naman ang Dallas (20-15) na wala sina All-Star guards Luka Doncic at Kyrie Irving.
Si Irving ay may sakit, habang nagkaroon ng calf strain si Doncic sa kanilang Christmas Day loss sa Minnesota.
Umiskor si Quentin Grimes ng 26 points at may 17 at 16 markers sina Jaden Hardy at Klay Thompson, ayon sa pagkakasunod, para sa Mavericks na bumagsak sa ikaapat na dikit na kamalasan.
Isang 20-0 bomba ang inihulog ng Cavaliers para iposte ang 37-21 sa second quarter patungo sa pagpoposte ng isang 27-point lead sa second half.
Sa Denver, nagsampay si Victor Wembanyama ng 35 points at 18 rebounds sa 113-110 paglusot ng San Antonio Spurs (18-16) sa Nuggets (19-14).
Sa Oklahoma City, bumira si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points para igiya ang Thunder (29-5) sa 117-107 panalo sa New York Knicks (24-11).
Sa New Orleans, nagpasabog si CJ McCollum ng career high-tying 50 points tampok ang 10 3-pointers sa pagpigil ng Pelicans (6-29) sa kanilang 11-game losing skid sa 132-120 pagdaig sa Washington Wizards (6-26).
- Latest