La Liga Filipina sasalang sa Sampaguita race
MANILA, Philippines — Lalahok ang La Liga Filipina sa 2023 Philracom Sampaguita Stakes Race na pakakawalan sa Setyembre 24 sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Gagabayan ni jockey Andreu Villegas ang La Liga Filipina at makakalaban ang limang nagpahayag din ng pagsali sa distansyang 2,000 meter race.
Nakalaan ang guaranteed prize na P2 milyon na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta.
Ang iba pang makikipagtagisan ng bilis sa La Liga Filipina ay ang Cam From Behind, Charm Campaign, Dambana, Enigma Uno at Flattering You.
Ayon sa mga komento ng mga karerista, posibleng magpakitang-gilas ang mga kalahok na Flattering You at Charm Campaign.
Dahil mahaba ang distansya ng karera ay naniniwala ang mga karerista na kahit sino sa mga kasali ay malaki ang tsansang manalo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P1.2 milyon, mapupunta sa second placer ang P450,000, habang tig-P250, 000 at P100,000 ang third at fourth finisher, ayon sa pagkakasunod.
Kukubra rin ang breeder ng winning horse ng P100,000, habang tig P60,000 at P40,000 ang second at third, ayon sa pagkakahilera.
- Latest