Morales inangkin ang Stage1
SORSOGON CITY, Philippines — Ginamit ni dating two-time champion Jan Paul Morales ng Excellent Noodles ang kanyang eksperyensa para pagharian ang Stage One ng 11th LBC Ronda Pilipinas kahapon dito sa Rampeolas Boulevard.
Nagsumite ang 36-anyos na si Morales ng bilis na 16 minuto at dalawang segundo para banderahan ang 12.3-kilometer Individual Time Trial sa gitna ng minsanang buhos ng ulan at malakas na hangin.
Isinuot ni Morales ang LBC red jersey bilang individual general classification leader sa 59.4km Team Time Trial Stage Two kahapon at sa 156.8km Sorsogon-Legazpi Stage Three ngayong araw.
Inungusan ni Morales, ang 2016 at 2017 titlist, sina 2018 winner Ronald Oranza (16:16) ng Navy Standard Insurance at Ronnilan Quita (16:16) ng Go For Gold.
Ang iba pang tumapos sa Top 10 ay sina two-time champion Santy Barnachea (16:40) ng Excellent Noodles, Jonel Carcueva (16:48) at Marc Lago (16:48) ng Go for Gold, Rustom Lim (16:51) ng Team Nueva Ecija, Arjay Peralta (16:54) ng Dreys, Ryan Tugawin (16:51) at Joshua Mari Bonifacio (16:51) ng Excellent Noodles.
- Latest