Chabi Yo lumayas sa UST
MANILA, Philippines — Nabangasan na naman ang University of Santo Tomas (UST) matapos magpasya si Soulemane Chabi Yo na lisanin na ang kampo ng Growling Tigers.
Nagdesisyon si Chabi Yo na kumalas na sa España-based squad dahil sa walang katiyakang estado ng college basketball sa bansa dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Nais sana ng UAAP Season 82 men’s basketball Most Valuable Player (MVP) na gamitin ang kanyang final playing year sa UST subalit hindi na ito matutuloy pa.
Dahil dito, maglalaro na lamang si Chabi Yo sa isang Division 4 team sa Spain.
“For the past three years, I have been turning off so many offers in Europe. My plan was to finish my playing years in UST, but since COVID came, it destroyed everyone’s plan,” ani Chabi Yo sa ulat ng The Varsitarian.
Humingi naman ng pang-unawa si Chabi Yo sa naging desisyon nito.
Umaasa si Chabi Yo na matatanggap ng UST community ang kanyang naging aksyon.
Nagpasalamat din ito sa unibersidad sa mainit na pagtanggap sa kanya matapos ang ilang taong pananatili dito.
Naniniwala si Chabi Yo na isang malakas na tropa pa rin ang Growling Tigers sa kabila ng kanyang pagkawala.
Malaking kawalan si Chabi Yo sa UST kung saan nagtala ito ng averages na 16.9 points at 14.7 rebounds noong Season 82.
- Latest