Aguilar sumungkit ng ginto sa World Festival
MANILA, Philippines — Maningning na umuwi ng bansa si Aleia Aielle Aguilar nang angkinin nito ang gintong medalya sa 2024 World Festival Jiu-Jitsu Championship na ginanap sa Mubadala Arena sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Pinatumba ni Aguilar ang mas malalaki at mabibigat nitong karibal para maging three-time jiu-jitsu world champion.
Sumabak si Aguilar sa 22 kg. division mula sa kanyang dating 19 kg na weight class.
Subalit hindi ito naging hadlang para sa 7-anyos na anak ni Filipino mixed martial arts founder at Universal Reality Combat Championship (URCC) president Alvin Aguilar.
Kabilang sa mga pinataob ni Aguilar si Sana Alzaabi ng United Arab Emirates sa semifinals kung saan nagtala ito ng armbar submission sa loob ng 20 segundo para umabante sa girls’ gi kids 2 grey 22 kgs A class final.
Naipagpatuloy ni Aguilar ang magandang laro nito nang payukuin si Sarah Abuhijleh ng United Arab Emirates sa iskor na 3-0 para makuha ang panalo.
Nagpasalamat din si Alvin sa MVP Sports Foundation at kay Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino.
Wagi rin ng gintong medalya sina Marcus Sebastian Dela Cruz (boys gi kids 3 white belt 24 kgs), Ma. Althea Louise Brion (girls gi infant white belt 40 kgs), Yani Alexii Lopez (girls gi junior grey feather 40 kgs) at Princess Akeisha Reuma (girls gi junior white belt 48 kgs).
- Latest