Bubble protocol dadagdagan ng GAB
MANILA, Philippines — Isang supplemental guidelines ang kasalukuyan nang binabalangkas ng Games and Amusements Board (GAB) para sa posibleng pagdaragdag ng mga taong maaaring pumasok sa isang ‘bubble’ venue.
Ito ay inaasahang maisasama sa Joint Administrative Order (JAO) na inirerekomenda ng GAB, kasama ang Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH), sa Inter-Agency Task Force (IATF) sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
“Puwedeng mag-relax eh. Kasi iyong mga restaurants noong una 20 percent naging 30 tapos ngayon 50 percent. Hindi naman puwedeng singkuwenta tao lang sa loob ng venue,” wika ni GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa professional basketball, football at women’s volleyball.
“Dito sa supplemental guidelines na dina-draft pa rin po, papayag na po sa isang daang tao, essential people. Of course, the players, the managers, iyong mga importante lang. Pero malamang no audience pa rin.”
Sa idinaos na 2020 PBA Philippine Cup sa ‘bubble’ sa Clark, Pampanga ay tig-25 tao lamang sa bawat koponan ang pinayagang makapasok habang ipinagbawal naman ang mga fans na manood.
Sa kabuuan ay 350 katao ang pinapasok sa ‘bubble’ na matagumpay na nairaos ng PBA kung saan naghari ang Barangay Ginebra laban sa TNT Tropang Giga sa championship series.
Balak ng PBA na gumamit ng ‘closed circuit concept’ sa kanilang Season 46 sa susunod na taon kung saan sa bahay at gym lamang ang ruta ng mga players.
Ayon kay Mitra, susuportahan nila ang nasabing plano ng liga. “We will also support and we will be on standby in trying to help them craft the safety protocols,” pagtiyak ng GAB chief.
- Latest