Optimistiko ang PBA na makakakilos na
MANILA, Philippines — Kumpiyansa ang Philippine Basketball Association (PBA) na makakabalik ito sa operasyon, hindi pa man sa ngayon, sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
Sa unang pisikal na pagpupulong kahapon ng PBA Board of Governors kasama si Commissioner Willie Marcial sa league office sa Libis, Quezon City kamakalawa, nagkaisa ang lahat na kaya ng PBA na makabalik sa tulong ng mga mahigpit na health protocols para sa lahat.
“Everyone is upbeat,” ani PBA chairman Ricky Vargas ng Talk ‘N Text. “How confident I am? The situation is uncertain. It’s something we’re not in control of. But as we follow the improvement of the situation from ECQ to MECQ to GCQ and with the businesses starting to reopen, you see more, and it gives you hope.”
Hindi aniya magmamadali ang PBA na makabalik agad sa laro bagkus ay unti-unting proseso na magsisimula sa conditioning at practice pa lang. Wala rin munang mangyayaring scrimmage at magaganap ang training re-start sa hanggang apat na manlalaro lang kada-practice session.
Ito ang nilalaman ng liham ng PBA na nakatakdang ipasa sa Inter-Agency Task Force on Management of Emerging Infectious Diseases.
Pinakamahalaga rito ang prayoridad na COVID-19 swab testing sa lahat ng players, coaches at staff bago mapayaga nang makapagsanay.
Nauna nang nakapagpa-test at negatibo lahat ang koponan ng Ginebra, Magnolia, San Miguel at Meralco habang nakalinya ang iba pang PBA teams. Sumailalim na rin ang PBA employees sa testing bago magbalik ang office work nito noong Lunes.
“Sana nga mabigyan tayo ng pagkakataon ng IATF na makapag-practice na,” ani Marcial.
- Latest