Heading kakaliskisan ng Terrafirma
MANILA, Philippines — Sasalang na sa wakas si Jordan Heading sa kanyang PBA debut para sa bagong koponan na Converge kontra sa original team na Terrafirma sa pagbubukas ng 2023 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Makikilatis si Heading sa alas-5 ng hapon bago ang sagupaan ng Phoenix at guest team na Hong Kong Eastern sa main game sa alas-7:30 ng gabi para sa double-header opening tampok ang unlimited height na imports.
Kakapirma lang ni Heading ng two-year contract sa FiberXers na nakuha ang playing rights nito mula sa Dyip kapalit nina Aljun Melecio, Keith Zaldivar at 1st round pick sa susunod na draft.
Matatandang napili ng Dyip bilang No. 1 overall pick si Heading sa special round ng 2020 PBA Rookie Draft subalit hindi nakapirma sa koponan at nakalaro maski isang beses.
Dating manlalaro ng San Miguel-Alab Pilipinas si Heading bago tumungo sa Japan at Australia pati na sa Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers bago huling sumabak para sa West Adelaide Bearcats sa NBL1 tampok ang rehistrong 15.5 puntos, 3.6 rebounds at 3.8 assists.
Makakatambal niya ang import na sina Cheick Diallo, dating NBA player, Justin Arana, Schonny Winston at Alec Stockton para sa pinalakas na Converge.
Hindi pa makakasama ng FiberXers ang No. 1 overall pick na sina Justine Baltazar na tinatapos pa ang kampanya para sa reigning champion na Pampanga Giant Lanterns sa 2024 MPBL Finals kontra sa Quezon Huskers.
- Latest