Aranas ‘di maawat
MANILA, Philippines — Hindi maawat si veteran Pinoy cue master Zoren James Aranas nang umabante ito sa finals ng 2020 Diamond Las Vegas 10-Ball Open na ginaganap sa Rio All-Suite Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Inilampaso ni Aranas si Chang Jung-Lin ng Chinese-Taipei sa 7-4 desisyon sa semifinals ng winners’ bracket para masiguro ang unang silya sa championship round.
Hihintayin na lamang ni Aranas ang magwawagi sa semifinals ng losers’ bracket para harapin sa finals kung saan nakalaan ang $17,000 sa magkakampeon habang mag-uuwi naman ng $10,000 konsolasyon ang runner-up.
Nakapasok sa semifinals si Aranas matapos gulantangin si dating world champion Ralf Souquet ng Germany sa quarterfinals sa pamamagitan ng 7-5 pahirapang panalo.
Kabilang din sa mga pinataob ni Aranas sina Rory Hendrickson sa first round (7-5), Chris Melling sa second round (7-5), Maximilian Lechner sa third round (7-5), Ian Costello sa fourth round (7-3) at Justin Bergman sa fifth round (7-5).
Ang dalawang mangungunang manlalaro ay awtomatikong mabibiyayaan ng tiket sa prestihiyosong 2020 Predator World 10-Ball Championship na agad na magsisimula sa parehong venue matapos ang torneo.
Dahil dito, pasok na si Aranas sa World 10-Ball titledahil sa kanyang pag-entra sa finals kung saan runner-up ang pinakamababang maaring makuha nito.
Makakasama ni Aranas sa World 10-Ball sina dating world champion Carlo Biado, Johann Chua, James Aranas, Jeffrey Ignacio at Jeffrey De Luna habang aariba din sina Dennis Orcollo at Francisco “Django” Bustamante.
Sariwa pa si Aranas sa matamis na pagkopo ng titulo sa 2020 Scotty Townsend Memorial Tournament 9-Ball Open Division na ginanap sa West Monroe sa Los Angeles, California.
Napasakamay naman ni Orcollo ang 10-Ball crown habang si Bustamante ang naghari sa One Pocket event sa parehong 2020 Scotty Townsend Memorial Tournament.
- Latest