LBC Ronda crown inangkin ni oconer
Navy-standard insurance kinopo ang overall team championship
VIGAN CITY, Philippines — Hanggang sa huling stage ay ipinakita pa rin ng Standard Insurance-Navy ang kanilang tikas sa padyakan.
Kahit tiyak na sa Navy ang overall individual at team classification ay rumatrat pa rin si two-time champion Jan Paul Morales at mga teammates niya sa final Stage 10 ng LBC Ronda Pilipinas kahapon dito.
Nasikwat ni Morales ang 40 minutes plus three laps criterium na nagsimula at nagtapos sa provincial capitol.
Nakuntento naman sa sunud-sunod na lamang si Geroge Oconer ng Navy sa kanyang teammates kaya ikinahon niya ang matagal nang inaasam na titulo sa event na inorganisa ng LBC at pakikipagtulungan sa Manny V. Pangilinan Sports Foundation.
“Maraming salamat sa mga kakampi ko at sa Standard Insurance dahil sa suporta nila nakuha ko ‘yung matagal ko nang pangarap,” sabi ni Oconer ng San Mateo, Rizal.
Nakalikom si Oconer ng 32 oras, 42 minuto at 12 segundo, nasa pangalawang puwesto hanggang ikaanim sina 2018 champion Ronald Oranza, Ronald Lomotos, John Mark Camingao, Junrey Navarra at El Joshua Cariño, ayon sa pagkakahilera.
Inirehistro ng 34-anyos na si Morales ang 51 minuto at 20 segundo, para sungkitin ang pangatlong stage win.
Pangalawang tumawid sa meta si Oranza, pangatlo si Navarra, habang sina Scratch It riders Jerry Aquino, Jr. at Rex Luis Krog ang umupo sa fourth at fifth, ayon sa pagkakasunod.
Inamin ni Oconer na ito ang best performance niya ngayong taon.
Ibinulsa niya ang premyong P1 milyon.
“Unang sali ko sa Ronda noong 2011 kaya mahalaga sa akin itong panalo.” ani Oconer.
Ang ibang nakapasok sa top 10 ng individual classification ay sina Go for Gold riders Jonel Carcueva (7th), Daniel Ven Cariño (8th) at Ismael Grospe, Jr. (9th) at pang 10 si Marvin Tapic ng Bicycology Shop-Army.
Samantala, nasikwat din ng Standard Insurance-Navy ang titulo ng overall team classification.
- Latest