Blatche tapos na sa Gilas
MANILA, Philippines — Dahil wala na siya sa Gilas Pilipinas program ay maaari nang ituon ni NBA veteran Andray Blatche ang kanyang oras para sa Mighty Sports na sasabak sa Dubai International Basketball Tournament.
Dumating sa bansa ang 6-foot-11 na si Blatche noong Huwebes at kaagad sumama sa ensayo ng Mighty Sports ni head coach Charles Tiu bago umalis sa Enero 21 patungong Dubai.
Hindi na kinonsidera si Blatche para sa FIBA Asia Cup qualifiers na gaganapin sa susunod na buwan.
Mahalagang papel ang ginampanan ni Blatche sa kampanya ng Philippines noong 2014 FIBA World Cup kung saan muntik nang ta-lunin ng Phl Team ang t powerhouse Croatia at Argentina bago ang malaking panalo sa Senegal.
Binanderahan din ni Blatche ang Gilas Pilipinas sa kanyang ikalawang World Cup stint noong nakaraang taon bagamat walang ipinanalo ang Pinas sa limang laro at nangulelat sa 32 bansang kalahok.
Kasalukuyan nang naghahanap ang Gilas Pilipinas ng kapalit ni Blatche para sa paglahok ng Nationals sa FIBA Asia Cup sa susunod na taon.
Si Blatche ay 34 gulang na ngayon at laging may problema sa kanyang fitness.
Sinasabing may kalakihan si Blatche na dumating ngunit inaasahang makakapagbawas ito ng timbang bago sumabak sa Dubai.
Ang kanyang edad at fitness condition ang ilan sa mga dahilan kung bakit naghanap na ng ibang option ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pagpili ng naturalized player.
“Andray has helped us a lot in the past but I think it’s time we move on from him,” ani Panlilio.
- Latest